P300,000 halaga ng 'shabu', nasamsam sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 05:15 AM

MAYNILA - Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang higit P300,000 na hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay 194, Pasay City Huwebes ng gabi.

Arestado ang 6 katao, kabilang ang isang nanay, sa ipinatupad na 2 search warrant ng PDEA.

Nahulihan ang ginang sa kaniyang bahay ng 15 gramo ng umano'y shabu na may halagang P100,000. Dati na siyang nakulong noong 2014 sa kaparehong kaso, ayon sa PDEA.

Samantala, timbog naman ang 5 lalaki nang salakayin ng PDEA ang isang bahay na umano'y ginagamit na drug den. Narekober sa lugar ang 30 gramo ng umano'y shabu na may halagang P200,000.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. - Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.