Mangingisda na nagtago ng 6 na 'cocaine blocks', arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 04:07 PM

Arestado ang isang mangingisda dahil sa pag-iingat umano ng 6 na blokeng cocaine na na-rekober niya sa katubigan sa Tandag City, Surigao Del Sur. 

Ayon kay PRO 13 Director Police Brigadier General Gilberto DC Cruz, inaresto ang suspek na si Ronie Arpilleda Navales, 48, makaraang magtago at magbenta umano ng floating cocaine. 

Isinauli ng nasabing mangingisda noong Pebrero ang 34 blokeng natagpuan niya sa Tandag City Police. 

Pero ayon sa pulis, itinago ni Navales ang 6 na bloke para ibenta sa ibang drug user. 

Pinasalamatan pa siya ng PNP at itinuring na samaritano. 

Pero nakatunog umano ang pulisya na may 6 na bloke pa pala itong naitabi upang mapagkakitaan. 

Nang maramdaman ng mangingisda na sinusubaybayan na siya, isinuko na niya ang 4 na bloke, habang itinapon niya raw ang 2 iba pang bloke sa inidoro. 

Nasa kustodiya na siya ng pulis at kakasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa kaniyang ginawa. 

Nagbabala naman si Cruz sa mga hindi magbabalik ng mga bloke sa mga awtoridad. 

“This serves as warning to those who recovered bricks of cocaine and are planning not to surrender these to the authorities. You can never hide from the long arm of the law,” ani Cruz.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.