Mag-amang umano'y nagpapatakbo ng drug den sa Cavite, timbog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 07:42 AM | Updated as of Apr 12 2019 09:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BACOOR - Labing-apat na hinihinalang adik ang inaresto ng mga awtoridad sa loob ng 3 drug den dito sa lungsod, Biyernes.

Nagsagawa ng raid ang mga pulis sa isang compound sa Barangay Molino 3 matapos makatanggap ng impormasyon na mayroong mag-amang nagpapatakbo ng drug den sa naturang lugar.

Kinilala ang mga operator umano ng drug den na sina Oscar Endionela, 44 anyos, at ang 19-anyos niyang anak na si Migghun Carl Endionela.

Aabot sa P70,000 na halaga ng shabu ang kinumpiska mula sa mga suspek, sabi ni Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City Police.

Base sa impormasyon na natanggap ng mga pulis, matagal na umanong sangkot sa pagtutulak ng droga si Oscar at sinundan na lang ito sa negosyo ng anak na si Migghun, na naaktuhan na nagbebenta ng droga sa isang surveillance video, sabi ni Cabatingan.

Mga taga-ibang barangay at bayan ang mga parokyano nila, aniya.

Inamin ng mag-amang suspek na gumagamit sila ng shabu, ngunit itinanggi na nagbebenta sila nito.

Aminado rin sa paggamit ng shabu ang ibang naaresto, pero iginiit sa mga awtoridad na naglalaro lang umano sila ng kara krus nang arestuhin.

Nadiskubre rin ng mga pulis na nagiging daan din ng prostitusyon ang bentahan ng droga.

Kasama rin sa nahuli ang 19-anyos na si Jessa Dorado na ayon sa pulis ay ibubugaw umano kapalit ng paggamit ng shabu. 

Itinanggi ni Dorado ang mga paratang at sinabing inalok siya ng isa sa mga bisita ni Endionela na makipagtalik pero tumanggi siya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.