PatrolPH

Lalaki, tiklo sa pagnanakaw sa ospital

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 08:41 AM

Lalaki, tiklo sa pagnanakaw sa ospital 1
Wala nang magawa pa ang kawatan kung 'di ang magtakip ng mukha habang nasa loob ng estasyon ng pulis sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Naaresto ng mga guwardiya ng Zamboanga City Medical Center ang isang 23-anyos na lalaki matapos na maaktuhang nagnanakaw sa iba’t ibang wards ng ospital, Huwebes ng umaga.

Tatlong biktima ang nag-report sa mga guwardiya na nawawala ang kanilang mga bag, pera at cellphone.

Isa na dito si Eunila Castillon na nawalan ng pera at ilang personal na gamit sa kaniyang bag.

Ayon sa kaniya, naabutan pa niya ang suspek sa loob ng kanilang ward nang mapansin niyang nawawala na ang P4,000 at iba pang gamit.

Masakit para kay Castillon ang nangyari dahil hiniram lang din niya ang perang nawala na gagamitin sana para sa pagpapagamot sa kaniyang naaksidenteng kapatid.

Sa ibang ward naman nawalan ng pera ang isa pang biktimang si Aswad Arasil.

Ayon sa kaniya, natutulog siya nang kinuha ng suspek ang kaniyang pera sa loob ng bag.

Ayon sa mga guwardiya, nahagip sa kanilang security camera ang ginawang pagnanakaw ng suspek sa mga wards.

Nakuha naman sa kamay ng suspek ang pitaka ng isa pang biktima.

Pero ayon sa suspek, higit P1,000 lang ang nilalaman ng pitaka at hindi P10,000 gaya ng iginigiit ng biktima.

Dagdag pa ng suspek, napilitan lang siyang magnakaw sa loob ng ospital dahil bagong pangangak ang kaniyang misis sa mismong ospital din at wala siyang sapat na pera para sa ibang gastusin.

Napaiyak pa ang suspek habang humingi ng tawad sa mga biktima pero dinala pa rin siya police station at sinampahan ng kasong pagnanakaw.

Nagpaalala naman ang management ng Zamboanga City Medical Center sa publiko na mag-ingat sa ganitong modus operandi.

Naglagay na ang ospital ng mga dagdag na security camera at mga guwardiya para maiwasan na ang ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.