PatrolPH

Dump truck, naaksidente dahil sa nakatulog na driver

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 04:35 PM

Dump truck, naaksidente dahil sa nakatulog na driver 1
Nakatulog umano ang driver ng dump truck habang papunta sa isang barangay para mangolekta ng basura nang maaksidente.

DAGUPAN CITY, Pangasinan – Nahulog sa palaisdaan sa De Venecia Highway Extension ang dump truck ng Waste Management Division ng lungsod matapos umanong makatulog ang driver, Biyernes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Dagupan City Police, sinalpok ng truck ang isang poste ng kuryente saka inararo ang concrete barrier. Mabilis umano ang takbo ng truck sa pakurbadang daan at madulas din ang kalsada dahil sa magdamag na pag-ulan.

Papunta sana sa Barangay Pugaro para mangolekta ng basura ang truck.

“Nakita namin na nakatulog yung driver, nakaidlip,” ayon kay Lt. Col. Jandale Sulit, hepe ng Dagupan City Police.

Agad nadala ng rescue team ang 51-anyos na driver at pahinante nito sa ospital.

Pero dalawang bus ng Philippine Military Academy ang nadamay matapos iwasan ang kable ng kuryente mula sa tumumbang poste.

Sinalpok ng isang bus ang nasa harapang shuttle bus nito. Ligtas naman ang 30 kadete na sakay nito.

Ito na ang ika-apat na aksidente sa naturang highway kung saan ang pinakamalala ay ang banggaan ng van at tricycle na ikinasawi ng tatlo katao.

Payo naman ng awotoridad sa mga driver na tiyaking nasa kundisyon ang sarili at sasakyan kapag bibiyahe at sumunod sa ipinapatupad na 30 kilometers per hour na speed limit sa diversion road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.