Bantang veto sa 2019 budget minaliit ng mga senador; oposisyon nangangamba

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 06:25 PM | Updated as of Apr 12 2019 09:47 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi nababahala ang mga senador sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes na ibi-veto niya ang panukalang P3.75 trilyong 2019 national budget, dalawang linggo bago ito maging awtomatikong batas. 

Sa isang talumpati, sinabi ni Duterte na nagdadalawang isip siyang pirmahan ang panukala at posible niya itong ibasura kapag "tagilid."

"Ang budget kaka-submit lang. I have to sign it pagbalik ko, pinag-aaralan pa. Ngayon, 'pag talagang tagilid 'yan, I will outright veto the entire budget... Pasensiya tayong lahat," sabi ni Duterte. 

Bago pa isumite kay Duterte, may agam-agam na si Senate President Vicento Sotto III sa umano'y P75 bilyong isiniksik na "pork" ng mga kongresista sa Kamara. 

Kaya noong Marso 26, naglakip ng sulat si Sotto nang ipasa sa Palasyo ang ratipikadong proposed budget at binalaan si Duterte sa nilalaman nito.

PABOR AT KONTRA

Matapos ang talumpati, sinabi ni Sotto na kapag inulit ang 2018 budget, mabubura ang pork barrel kung totoong meron nga nito.

Pero mas madali aniyang makabuo ng bagong budget ang papasok na 18th Congress dahil bago na ang liderato dito.

"If there is indeed pork barrel in the budget, a reenacted budget erases all that... Anyway, we can pass a new one in the next Congress with new leaders," sabi ni Sotto.

Si Senate Minority Leader Franklin Drilon din, tanggap kung ibi-veto man ng Pangulo ang budget dahil may awtoridad talaga siyang gawin ito.

"To veto the entire budget is a prerogative and power of the president under the Constitution if he is of the opinion that the budget bill is unconstitutional, or does not support his program of government," ani Drilon.

Pero si Senador Sherwin Gatchalian, nag-aalalang bumagal ang pag-unlad ng bansa pag di napirmahan ang 2019 budget.
    
"Infrastructure projects, particularly those that are slated to start this year, will be put on hold," paliwanag ni Gatchalian.

Si Senador Grace Poe, umapela na i-veto na lang ni Duterte ang ilang probisyon sa budget.

"Marami tayong mga programa... Baka hindi matuloy kapag reenacted ang budget," giit ni Poe. 

Pangamba naman ng oposisyon, libreng mawawaldas ng Pangulo ang bilyong pisong "unprogrammed funds" kapag reenacted ang budget.

"Puwede niyang gastusin sa kahit anong bagay at 'yan ang nakakatakot dahil panahon ng eleksiyon ngayon at kung hindi nakatali ang kamay niya sa paggamit ng pondo ay mas magagamit niya ito para paboran 'yung mga kandidato ng administrasyon," ani Otso Diretso Senate bet Erin Tañada. 

"Puwedeng magkaroon talaga diyan ng palakasan. Kung saan nanalo ang administrasyon, 'yun ang budget na ibubuhos sa distritong 'yan at 'yung natalo, 'yan ang iwi-withhold," sabi naman ni Senate bet Neri Colmenares. 

Tuloy naman ang paninindigan ng Kamara na ginawa nila nang maayos ang obligasyon sa paghimay at pagpasa ng pambansang budget. —Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.