Acting barangay chairman sa Negros Oriental, patay sa pamamaril

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 01:08 AM

Patay sa pamamaril ang acting punong barangay ng Barangay San Pedro sa bayan ng Santa Catalina sa Negros Oriental Huwebes ng umaga.

Base sa imbestigasyon, nasa barangay hall ng San Pedro si acting Punong Barangay Samuel Ragay kasama ang dalawang babae nang biglang pumasok ang tatlong hindi pa kilalang salarin sa barangay hall.

Agad na sinigawan ng mga salarin ang mga biktima na dumapa at saka nagpaputok ng mga baril.

Tinamaan ng bala si Ragay pati na ang babaeng treasurer ng barangay at ang isa pang kasama nito.

Naisugod sila sa ospital pero hindi na naisalba pa si Ragay.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaril. Naniniwala sila na tanging si Ragay ang target ng mga nakatakas na salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.