Xian Gaza sumuko sa awtoridad

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 01:01 PM

Sumuko sa pulisya nitong Huwebes si Xian Gaza kaugnay ng umano'y panloloko nito sa 2 investor sa pamamagitan ng paglabas ng mga talbog na tseke.

Ayon kay Gaza, sumuko siya dahil pagod na siyang magtago at gusto niyang magbagong buhay.

Una nang naglabas ng 2 arrest warrant ang magkahiwalay na branches ng Malabon Metropolitan Trial Court laban kay Gaza dahil sa kasong paglabag sa Anti-Bouncing Checks Law.

Sa panayam ng DZMM sa mga umano'y biktima ni Gaza na sina Jaime Asuncion at Melinda Cruz, pinahiram nila ng pera si Gaza para sa umano'y coffee shop business nito.

Ayon kay Asuncion, na dapat sana'y partner ni Gaza sa coffee shop business, napagdesisyunan n'yang kunin na lang ang buong investment sa negosyo para ipaubaya na lang ito kay Gaza dahil hindi sila magkasundo sa hatian.

Nag-umpisa na umanong magbayad si Gaza saka nito tinakbuhan ang biktima.

Dahil umurong si Asuncion, inutangan ni Gaza si Cruz ng P2 milyon para sa business nito. Pinangakuan n'ya ang biktima ng profit-sharing sakaling lumago ang negosyo nito, pero 5 buwan pa lang aniya nakapagbayad ng interes si Gaza nang hindi na ito magparamdam.

Iginiit naman ni Gaza na hindi talaga siya nakakabayad ng utang dahil wala pa siyang kakayahan sa kasalukuyan at alam ito ng sheriff.

Inamin niya na umutang siya kay Cruz ng P2 milyon para umano sa negosyong financing o pagpapautang na may malaking interes pero tinakbuhan umano siya ng mga umutang sa kanya.

Bahagi ng inutang kay Cruz ay ginamit din ni Gaza para isalba ang ilang naluluging negosyo na bigo rin.

Kinukwestiyon din niya ang pagdedemanda sa kanya ni Cruz dahil inareglo na umano ng mga magulang niya ang complainant na binigyan ng bahay at lupa sa Imus, Cavite.

Sa pagtataya ni Gaza, nasa higit P2 milyon ang halaga nito.

Ayon naman kay Cruz, nasa P700,000 lang ang halaga ng property.

Nanghingi si Gaza ng sorry kina Cruz at Asuncion. Aniya, gustuhin man umano niya silang bayaran, bankrupt siya ngayon.

Unang sumikat si Gaza matapos niyang yayaing magkape ang aktres na si Erich Gonzales sa pamamagitan ng isang billboard, ngunit kinalauna'y inireklamo ito ng iba pang celebrity dahil sa umano'y panloloko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.