Pampasabog, natagpuan sa tulay sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 08:42 PM

MIDSAYAP, North Cotabato - Isang improvised explosive device (IED) ang natagpuan sa gilid ng isang tulay sa Barangay Olandang sa bayan na ito Huwebes ng umaga.

Gawa sa bala ng 105 millimeter mortar ang nasabing pampasabog, at may nakakabit na mga wire. 

Pinaniniwalaang remote control ang triggering device sa nasabing IED.

Ang tulay ang dinadaanan ng mga motorista papunta at pabalik sa bayan ng Midsayap at Datu Piang, Maguindanao.

Ayon kay 34th Infantry Battalion commander LTC Angelo Lutera, posibleng hindi sumabog ang IED.

"May posibilidad na nag-fail ito kasi nakita nga doon na may parang sunog 'yung wirings niya, so nag-fail siya. Hindi niya talaga napa-explode 'yung bomba and at the same time, nagmamadali siguro 'yung naglagay nito kaya hindi talaga nila nabalikan kaagad at ayusin," aniya.

Dagdag pa ni Lutera, mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters umano ang nasa likod ng pag-iwan ng pampasabog sa tulay.

"Pero kasi itong grupo na 'to, ito lang ang may capability na maglagay dito. Actually mga BIFF members 'to. Ang nakikita namin dito, may hand ang BIFF dito dahil nga sa nangyayaring opensiba diyan na pinipilit nilang i-divert ang lahat ng activities diyan sa Maguindanao," paliwanag ni Lutera.

Ngunit ayon naman sa tagapagsalita ng BIFF-Karialan Faction na si Abu Amir, wala umano silang kinalaman sa paglalagay sa nasabing pampasabog.

"Alangan maglagay kami ng bomba na nasa mga tulay at saka civilian populated kasi it is greatly prohibited by the Bangsamoro Islamic Freedom Fighters to put down a certain bomb na nasa tulay, nasa mga infrastructure," aniya.

Natagpuan ang IED kasunod ng opensiba ng militar kontra BIFF sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao, kung saan natagpuan ang samu't saring mga armas sa sinasabing gun factory umano ng grupo.

Apat na miyembro rin umano ng BIFF ang sumuko sa militar.

Una nang itinanggi ng BIFF na sa kanila ang nakubkob na pagawaan ng armas at kasapi sa kanilang grupo ang mga sumukong lalaki.

Ngunit ito ang nakikitang dahilan ng militar kung bakit nagtangkang magpasabog sa isang tulay sa Midsayap ang grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.