Paano makatutulong sa mga PWD ang modernong PUV?

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 07:28 PM | Updated as of Apr 13 2018 02:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang mga grupo ng mga taong may kapansanan o persons with disability (PWD) sa pamahalaan na isaalang-alang ang kapakanan nila sa kasalukuyang pagsasamoderno ng mga pampublikong sasakyan.

Isa sa mga araw-araw nakikipagsapalaran sa pagko-commute si Joaquin Paulino IV, na bumibiyahe mula Bulacan hanggang Makati para sa kaniyang trabaho.
    
Kahit 10 taon na niyang ginagawa ito, aminado siyang mahirap ang pagsakay ng bus at jeep lalo't may kapansanan siya sa paglalakad.

"Hinihintay ko muna maubos ang pasahero bago ako sumakay, at kapag umuulan, basang-basa ka bago makasakay. Naranasan ko nang tinatanggihan ng driver kasi abala. Naranasan ko rin malaglag sa bus," hinaing niya. 

"Kung walang-wala ka talagang gagawin, magta-taxi ka. At kung magta-taxi ka, may additional pang hinihingi ang driver."
    
Pero nabuhayan ng loob si Paulino at iba pang mga PWD nang mabalitaang may hakbang ang gobyerno para palitan ng makabagong disenyo ang mga public utility vehicles (PUV) sa ilalim ng transport modernization program. 

Iyon nga lang, pakiramdam ng mga PWD ay hindi prayoridad sa mga lumalabas na disenyo ang pagsiguro na madaling makasasakay sa mga PUV ang mga tulad nila.

"Mayroong mga [design na] accessible, mayroong mga hindi. Ang kinakatakot namin, maraming hindi accessible. Paano kung 'yun ang piliin na bilhin o du'n mag-invest ang mga operator," ani Abner Manlapaz, presidente ng Life Haven Center for Independent Living.

Mga panukala ng mga PWD para sa bagong PUV

  • Rampa o lift
  • Lugar para sa mga wheelchair na may safety accessories gaya ng sinturon
  • Nadidinig at nakikitang mga anunsiyo ng sakayan at babaan
  • Accessible na pasilidad sa mga terminal
  • Nakaumbok na marka sa mga hapag
  • Malilinaw na signage
  • Disability awareness, proper assistance at sensitivity training para sa mga driver, operator at frontline personnel

Para kasi sa mga PWD, katumbas ng accessible na transportasyon ang kakayahang mabigyan ng kabuhayan ang mga pamilya nila.

"Mayroon kaming talento, galing, nag-aral kami, ngunit wala pa rin. Talo sa pamasahe, talo sa trabaho. Ngunit kung magkakaroon ng modern na jeep, kaya namin pumasok, kaya namin mabuhay," paliwanag ni Paulino. 

Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ipaparating nila sa Department of Transportation (DOTr) ang mga mungkahi.

Payo naman ng DOTr, iparating din ng PWD sa mga manufacturer ng sasakyan ang kanilang hinaing upang maisang-ayon dito ang kanilang disenyo.

"They can address their specific comments to the individual manufacturers who produced the prototypes. In fact, comments to the prototypes are welcome before they start mass producing the units," ani DOTr Undersecretary Mark de Leon.
    
"The very reason that we are modernizing public transport is to provide access even to PWDs,” dagdag ni De Leon.
    
Ang mga pangakong ito ng DOTr ay hihintayin at mahigpit na babantayan umano ng mga PWDs.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.