P3-M halaga ng ari-arian, natupok sa sunog sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 05:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog sa isang warehouse sa Barangay Buting, Pasig City.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) - Pasig City, sumiklab ang sunog sa naturang warehouse alas-9:20 Miyerkoles ng gabi.

Kuwento ng ilang trabahador ng kalapit na warehouse, may narinig silang pagsabog bago nakitang mag-apoy ito.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, pero nahirapan ang mga bombero sa pag-apula nito.

Ayon kay Supt. Douglas Guiyab, acting Pasig City fire marshal, mga muebles na karamihan ay gawa sa kahoy ang laman ng warehouse.

Sa mezzanine naman nito ay ang opisina ng PKSS Enterprise Inc. 

Tuluyang bumagsak ang bubong ng warehouse kahit gawa pa sa bakal ang mga brace nito. Bumigay rin ang ilang parte ng kongkretong pader.

Mag-aalas 11 ng gabi nang ideklara ng BFP na under control na ang sunog.

Wala namang empleyado sa loob ng warehouse nang mangyari ang insidente.

Nagsiuwian na ang mga ito alas-4 palang ng hapon.

Pinapatay rin umano ang main circuit breaker ng warehouse na pagmamay-ari ng isang Clarita Tantuco. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.