MMDA tutok sa estero clean-up at illegal parking sa Maynila

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 12:37 PM | Updated as of Apr 12 2018 03:34 PM

MANILA - Halos nawala na rin ang mga basura na nakakalat sa Estero De Binondo sa Maynila na nakuhanan ng litrato at nag-viral sa social media noong Pebrero.

Bunga ito ng paglilinis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga barangay nitong mga nakaraang linggo.

Ininspeksyunan ni MMDA Chairman Danny Lim ang lagay ng paglilinis sa estero, Huwebes ng umaga, kung saan personal niyang nakita ang patuloy na paghahakot ng mga basura sa tubig at pag-alis ng mga sobrang dahon ng mga halaman sa gilid ng tubig.

Nagsasagawa rin ng dredging o pagkuha ng burak sa ilalim ng estero.

Ayon kay Lim, toka-toka ang mga barangay sa paglilinis ng bahagi ng estero na sakop ng lugar nila.

“‘Pag tag-ulan ‘yan ang magbibigay ng problema sa atin, yung mga basurang ‘yan. Pagbaha, ‘yung nakaka-ano sila sa operation ng pumping station natin kaya tuloy-tuloy ang paglilinis,” ayon kay Lim.

Balak ng MMDA na lagyan ng mga boom trap ang estero para madaling mahakot ang mga basura.

Pero nanawagan sila sa publiko na iwasan nang magtapon ng basura sa tubig para hindi makadagdag sa problema.

Samantala, pinuntirya rin ng mga tauhan ng MMDA ang mga illegally parked na sasakyan sa bahagi ng Lawton, Taft Avenue at UN Avenue.

Wala nang naabutang mga pampasaherong sasakyan gaya ng van at UV Express sa isang parking area sa Lawton, na ayon sa MMDA ay ginagawang illegal terminal ng mga ito.

Pero sabi ni Lim, irereklamo na nila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang barangay na may sakop sa lugar dahil nai-turn over na ang pagbabantay dito matapos linisin noon ng MMDA.

Tiniketan naman ng mga enforcer ang mga tricycle at sasakyan na nakaparada sa isang bus stop malapit sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Taft Avenue.

Ang ilan sa mga ito ay may sakay na nagtatrabaho umano sa NBI.

May driver pa na nagpakita ng ID sa mga enforcer noong sisitahin nila.

“Ang Taft, UN Ave, at Pasay ‘di saklaw namin pero sa dami ng reklamo at request na i-operate natin, pinuntahan namin para alisin ang mga side car at colorum,” sabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA.

Nag-tow naman ang MMDA ng mga tricycle na ginawang terminal ang isang eskinita sa may UN Avenue kahit ipinagbabawal ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.