Lalaking nang-blackmail ng 16-anyos na nobya kalaboso

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 09:39 AM | Updated as of Apr 12 2018 08:48 PM

Kinompronta ng ina ng 16-anyos na biktima ang suspek nang maaresto ito sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation-Quezon. Mariz Laksamana, ABS-CBN News

CANDELARIA, Quezon – Inaresto ng mga awtoridad dito ang isang lalaki na nagbantang magkakalat ng maselang litrato ng kaniyang menor de edad na nobya sa social media.

Hindi na napigilan ng ina ng 16-anyos na biktima ang galit nang magharap sila ng suspek sa tanggapan ng National Bureau of Investigation-Quezon.

“Binaboy mo ang anak ko,” galit na sigaw ng ina ng biktima.

Dumulog ang mag-ina sa NBI para ipaaresto ang suspek itong magbantang ipakakalat sa social media ang mga mahalay na litrato ng dalagita kung hindi papayag na makipagkita o mag-send muli ng iba pang tulad na larawan.

"Ang anak ko gusto nang makipaghiwalay dahil lagi nga siyang tinatakot na ilalabas yung kaniyang larawan kaya naging sunod-sunuran yung anak ko," sabi ng ina ng biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa entrapment operatin, pinapaniwala ng mga awtoridad ang suspek na makikipagkita sa kaniya ang biktima sa Candeleria.

Sa video, makikitang naghihintay ang suspek at isang kasama nang pumasok ang mga pulis at dinala sila sa presinto.

Inamin ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil sa pagseselos at masidhi umanong pagmamahal sa biktima.

"Hindi po kasi ako masyadong nagtitiwala sa kaniya kaya ganoon po na lagi po akong ganoon. Lagi po akong galit. Lagi po akong nagmumura kaya ganoon kasi ayaw ko po siyang mawala sa ‘kin," sabi ng suspek.

Paliwanag naman ng kasama ng suspek na sinamahan lang umano niya ang kaibigang nakiusap magpahatid.

Pinag-aaralan pa ng pulisya kung sasampahan siya ng kaso.

Kakasuhan ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children at child abuse ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.