Lalaki binaril ng riding-in-tandem sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 07:47 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Bambang, Pasig City.

Nagtamo si Al Beltran, 43 anyos, ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng mga salarin. Bumaba ang gunman na nakashort at may suot na backpack.

Sa isa pang CCTV, makikita ang pamamaril sa biktima.

Bumulagta si Beltran pero 2 beses pang pinaputukan ng gunman.

Muling sumakay sa naghihintay na motorsiklo ang gunman at agad umalis papalayo sa crime scene.

Aminado ang mga kamag-anak ng biktima na naugnay sa ilegal na droga si Beltran.

Pero nagbago na umano ito matapos pinarehab ng 2 beses at magbabalik trabaho na umano sana sa darating na Lunes.

Hinala ng pamilya, may kaugnayan sa giyera kontra-droga ang motibo sa pamamaslang.

Wala naman kasi umano itong nakaaway o nakaalitan. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.