Istasyon ng pulis sa Butuan, inatake ng mga hinihinalang rebeldeng NPA

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 05:34 PM

BUTUAN CITY, Agusan Del Norte—Inatake ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army ang Police Station 5 sa Barangay San Mateo, sa lungsod na ito 8 a.m. Huwebes.

Ayon kay Senior Inspector Henry Samillano Jr., hepe ng nasabing istasyon, tinatayang nasa 20 armadong lalaki ang nagpaulan ng bala sa gusali.

Walang naiulat na nasaktan o namatay sa panig ng mga pulis.

Di pa tukoy kung mayroong nasugatan o casualty sa panig ng NPA.

Maliban sa mga tama ng bala sa pader at sa bubong ng istasyon ay tinamaan din ng bala ang isang sasakyang pagmamay-ari ng isang pulis doon.

Nagsagawa na ng clearing operation ang militar at pulisya sa nasabing lugar.

Hindi pa malinaw kung ano ang pakay ng NPA sa kanilang pag-atake.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.