Inmate inatake sa puso sa siksikang selda sa Pasay

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 11:45 AM | Updated as of Apr 12 2018 02:52 PM

MANILA - Patay ang isang inmate matapos atakehin sa puso sa mainit at masikip na selda sa Pasay police station nitong Miyerkoles ng gabi.

Nagsasagawa ng noise barrage ang mga preso sa Station Investigation and Detection Management Branch nang himatayin ang biktimang si Domingo Delos Santos at 7 pang inmates.

Isinugod sila sa ospital, pero idineklara si Delos Santos na dead on arrival dahil sa atake sa puso.

Nagkasa ng noise barrage si Delos Santos at mga kasamahan para ipanawagang ayusin ang ventilation sa kanilang selda.

Nakabalik na roon ang 7 hinimatay na preso.

Tinatayang 105 na preso ang nasa male detention facility kahit 70 lang ang kapasidad nito, ayon sa mga pulis.

Pitong inmate na anila ang namatay dahil sa congestion doon mula nitong Enero.

Sa pagroronda ng DZMM Radyo Patrol, natuklasang 2 lang ang exhaust fan sa selda kung saan dikit-dikit ang mga preso at wala nang espasyo para makagalaw.

Nakakasulasok din ang amoy na umabot na sa opisina ng mga pulis.

Hindi rin kinaya ng mga pulis ang init at baho sa lugar kaya sa labas na sila ng tanggapan nag-o-opisina.

Ayon sa mga pulis, matagal na silang nanawagan sa lokal na pamahalaan na i-renovate ang kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.