Ilang SALN ni Sereno, 'natagpuan' na pero ilalabas lang sa 'tamang' forum

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 10:14 PM

Natagpuan na ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang ilan sa kaniyang mga "nawawalang" Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) noong siya ay nagtatrabaho bilang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. 

Ito ang rebelasyon ng tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Josalee Deinla. 

"SALNs filed in 1985, 89, 90, 91, 93, 94, 95, 96, 97 were recently recovered," ani Deinla sa isang text message. 

Sentro kasi ng quo warranto petition laban kay Sereno ang kaniya umanong mga hindi mahagilap na SALN. Ayon sa Office of the Solicitor General (OSG), patunay ito ng kawalan ng integridad ni Sereno bilang punong mahistrado. 

Ang quo warranto ay isang prosesong humahamon sa mandato ng isang opisyal upang manungkulan. 

Gayumpaman, hindi muna ito ilalabas ng kampo ni Sereno, bagkus, hihintayin nila ang paggulong ng impeachment trial dahil ito lamang ang kanilang kinikilalang proseso ng pagpapatalsik sa isang chief justice.

"Ito ay ilalabas niya in due time in the proper forum," aniya sa panayam sa ANC. 

Iginiit naman ni Deinla na talagang isinumite ni Sereno ang lahat ng kaniyang mga SALN sa 20 taon nitong pagtuturo sa UP, kagaya ng sinabi nito sa oral arguments noong Martes.

"She did. In some of the years she just didn't have physical copies of the SALNs themselves but that doesn't mean that she did not file," ani Deinla.

"Marami namang iba't ibang porma ng evidence. It can be testimonies of persons who assisted her in the execution of these SALNs."

Paliwanag pa ng tagapagsalita, walang batas na nagsasabing dapat itago ang ano mang dokumento lagpas ng 10 taon. 

"It's only normal for people to lose copies of these documents. And under the law, no one is bound to keep a record of these documents for more than 10 years, especially not those people who are not tasked to serve as repository of these documents," ayon kay Deinla.

Samantala, sakaling paboran ng Korte Suprema ang quo warranto, sinabi ni Deinla na magiging hudyat na ito ng pagkasira ng buong hudikatura.

"There are grave and far-reaching implications. This will signal the erosion of the judiciary, judicial independence, and even effects on the legal profession...That will spell destruction of judicial independence," ani Deinla. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.