60 OFWs mula Kuwait, balik-bansa na

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 05:10 PM | Updated as of Apr 12 2018 05:23 PM

Lumapag sa NAIA Terminal 3 ang 60 OFWs na mula sa Kuwait, Huwebes. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

MANILA—Nakabalik na sa bansa ang may 60 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Kuwait, Huwebes ng umaga.

Pasado alas-10 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang mga OFW na lulan ng Gulf Air Flight 154.

Karamihan sa mga umuwi ay mga nagtrabaho roon nang walang kaukulang papeles, nag-TNT, overstaying at ang iba ay nakaranas pa ng pagmamalupit sa kanilang amo. 

Ang mga sumailalim sa amnestiya ay makatatanggap ng P25,000 na cash at livelihood assistance mula sa gobyerno.

Samantala, hanggang ngayong Huwebes na lang maaaring magparehistro ang mga iregular na OFW sa Kuwait sa embahada para sa amnesty program. 

Ipo-proseso pa ang kanilang dokumento para mapauwi hanggang Abril 22 na palugit na ibinigay ng gobyerno ng Kuwait sa undocumented foreigners. 

Kung hindi, aarestuhin sila at kakasuhan sa nasabing bansa.

Nasa 6,000 undocumented OFWs pa ang naiwan sa Kuwait.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.