5 timbog sa droga sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 05:20 AM

MAYNILA - Arestado ang 5 lalaki, kabilang ang 2 menor de edad, matapos naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa isang bahay sa Barangay Rizal, Makati City Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Senior Insp. Valmark Funelas, commander ng Makati Police Community Precinct 10, naamoy na ng mga pulis ang marijuana sa labas pa lang ng bahay.

Rumesponde lang ang mga pulis sa isang reklamo ukol sa nagaganap na sugalan sa isang bahay sa Pipit Street.

Apat na lalaki ang naaktuhan umano ng pulisya. Kabilang dito ang 2 binatilyo na nagpakilalang 17-anyos.

Sa loob ng bahay, nadiskubre rin ng mga pulis ang pagtatarya ng umano'y marijuana at shabu ng isang lalaki.

Nasabat sa kanila ang 4 na sachet na hinihinalang marijuana at 3 sachet ng umano'y shabu.

Narekober din ng mga pulis ang bong at roller na gamit sa pagma-marijuana at iba pang drug paraphernalia.

Depensa naman ng mga lalaki, magkakasama lang silang naglalaro ng mobile game.

Nakatakas naman ang may-ari ng bahay na umano'y nagmamay-ari sa mga nakumpiskang droga, giit ng isa sa mga nahuli.

Ayon sa mga pulis, ikinagulat nila ang dami ng mga nakuhang droga sa lugar na malapit lang sa presinto.

Bagama’t kontrolado naman umano nila ang sitwasyon ng droga sa lugar, dumarating ang supply sa lugar mula sa katabing siyudad ng Taguig.

Sasampahan ng karampatang kaso ang mga lalaki at itu-turn over ang mga menor de edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.