4 Tsino, 5 Pinoy tiklo sa pagsalakay sa 'shabu lab' sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 10:14 AM | Updated as of Apr 12 2018 06:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - (UPDATE) Arestado ang 9 indibidwal sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang "shabu laboratory" sa Hingoso Farm, Barangay Sto. Niño, Ibaan, Batangas, Huwebes.

Kabilang sa mga inaresto ang 4 na Tsino, na hinihinalang mga chemist, at 5 Pilipino. Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na nmga miyembro ng Dragon Wu Drug Syndicate ang mga ito. 

Kinilala ang mga Tsinong suspek na sina Tian Baoquan, Gui Zixing, at Hong Dy. May 1 Tsino pa umanong nakatakas at hinahanap ngayon ng mga awtoridad.

Ang mga Pilipinong suspek naman ay sina Eduardo Lorenzo, electrician; Rosalio Cesar, drayber; at ang mga umano'y runner na sina Amancio Gallarde at Nestor Baguio.

Sumalakay ang mga puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines matapos makakuha ng tip sa National Narcotics Control Commission ng Tsina.

Ayon kay PDEA chief Director General Aaron Aquino, kayang gumawa ng laboratoryo ng 25 kilo ng shabu bawat araw, bukod pa sa kakayahang gumawa ng ecstasy. 

Halos lahat ng nakuhang equipment ay improvised, sabi ni Aquino. Nag-iimbentaryo pa ang pulisya sa mga nakuha sa umano'y shabu laboratory. 

"'Yung mga flask e may Chinese characters pero 'yung chemical e posibleng locally-produced na hindi kasama sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng RA 9165," ani Aquino.

Isa pang bodega ng shabu ang kasabay ding sinalakay ng PDEA sa Tagaytay City kung saan isa pang Chinese chemist ang nadakip. Kinilala siyang si Xie Jiansheng.

Isa pang operation ang isinasagawa sa isang bahagi ng Binondo sa Maynila. -- ulat mula kay Noel Alamar, DZMM correspondent

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.