PatrolPH

'Napakasakit': OFW na ina ng 7 anyos na ginahasa, pinatay nagdadalamhati

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2023 07:38 PM

Tahimik, pigil ang emosyon, at pilit ngumingiti si "Mary Ann" nang salubungin siya ng mga tauhan at opisyal ng Department of Migrant Workers pagdating sa Ninoy Aquino International Airport gabi ng Lunes. 

Siya ang overseas Filipino worker na nanay ng 7 anyos na natagpuan sa masukal na bahagi ng ilog sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite noong Huwebes Santo. 

Ginahasa ang bata, at suspek ang kaniyang mismong ninong. 

Pagdating sa bahay, labis na pighati ang sumalubong kay Mary Ann, na hustisya ang sigaw sa pagkamatay ng kanilang bunso. 

"Bilang isang nanay po na OFW, napakasakit po mawalan ng anak. Umalis po ako para makapag-aral sila nang maayos, tapos pagbalik ko kulang na 'yung anak ko," aniya. 

Dahil sa trauma, tila wala nang planong bumalik ng Saudi Arabia si Mary Ann. 

Tiniyak ng OWWA at DMW ang tulong para sa pamilya ni Mary Ann. Bukod sa tulong-pinansiyal at legal na kakailanganin ng pamilya, sagot na umano ng ahensiya ang lahat ng gastos sa burol at libing. 

"Sabi ko naman ia-assess namin baka mas maganda lagyan namin ng tindahan para hindi na siya malayo sa pamilya niya. Bukod du'n may personal ako na pangako sa kanya na kung sa tingin nila kailangan din ng abogado, kung aabot sa puntong kailangan nila ng abogado, e willing naman sa personal na pagtulong sa pag-assign ng abogado sa kanila," ani DMW Secretary Susan Ople. 

Sa ngayon, wala pang petsa kung kailan ililibing ang bata. 

Sinampahan ng reklamong rape with homicide ang suspek. 

-- Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.