PatrolPH

2 estudyanteng nagprotesta sa harap ng US Embassy, inaresto; hakbang kinondena

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2023 07:43 PM

Watch more News on iWantTFC

Isinalang na sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutors Office ang dalawang estudyante na inaresto ng mga pulis matapos ang kilos protesta sa harap ng US Embassy sa Maynila madaling araw nitong Martes.

Paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, vandalism, at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o resisting arrest ang inihaing reklamo ng Manila Police District laban sa dalawa.

"'Yung violation ng ating BP 880 o 'yung illegal assembly natin, meron din tayong vandalism at 'tsaka 'yung violation ng RPC o Revised Penal Code 151 o resisting arrest," sabi ni Manila Police District spokesperson Police Major Philipp Ines. 

Ayon kay Ines, ang inaresto ay estudyante ng University of the Philippines at ang isa ay mula sa Far Eastern University.

Nilinaw din ni Ines na dalawa lang at hindi anim ang mga inaresto sa rally.

Itinanggi rin ng MPD na tinangkang banggain ng sasakyan ng mga pulis ang hanay ng mga raliyista, taliwas sa mga sinasabi ng mga kritiko ukol dito. 

"Walang katotohanan 'yun at hindi natin 'yun gagawin. Ang trabaho natin eh to serve and to protect at natutupad naman natin 'yan… Pero 'pag may nakikita na tayo na hayagang paglabag na katulad ng ginawa nila na binato nila ng mga pintura itong US Embassy - ito'y hayagang paglabag na at wala tayong gagawin kundi ipatupad ang batas," sabi ni Ines. 

Binigyang diin pa ni Ines na bawal ang kilos protesta sa harap ng US Embassy at pinapagayan lamang sa mga itinakdang freedom park ang ganitong uri ng mga kilos-protesta.

"Bawal mag-rally doon, meron tayong freedom park dito sa Maynila - apat ito at sabi nga natin, doon puwede nilang ipahayag 'yung kanilang mga saloobin against or pro-government at doon hindi sila pagbabawalan - pero dito bawal talaga," dagdag pa ni Ines.

Sabi ni Atty. Marwil Llasos, mula sa UP Office of Legal Aid at abogado ng dalawang inaresto, bagama't madaling araw pa naaresto ang mga ito, hapon na sila nadala sa piskalya para sa inquest proceedings.

"Eto nga 'yung nakakalungkot dahil alas-singko y medya naaresto - nadala lamang dito sa piskalya ng alas-kuwatro, eh hanggagn 4:30 (pm) lang 'yung opisina dito kaya talagang patutulugin sila sa loob ng Manila Police District ay iyon ay masasabi kong bahagi na ginagawa ng mga pulis para lalong ma-harass yung ating mga suspects," ani Llasos. 

Sabi niya, bailable naman ang mga isinampang reklamo laban sa dalawang inarestong estudyante. 

Sinamahan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang dalawang inarestong estudyante nang sumalang sila sa inquest proceedings. 

Dito, mariing kinondena ni Manuel ang pag-aresto sa dalawa at naniniwalang hindi dapat inaresto ang mga ito. 

"Tingin natin, hindi karapat-dapat arestuhin 'yung dalawang estudyante dahil ang kanilang ginawa ay bahagi ng kanilang karapatan na magpahayag lalo na sa isang mabigat na usapin sa ating bansa concerning 'yung ating national sovereignty," ani Manuel. 

"Paano ba natin tinitiyak na 'yung bansa ay na-uphold 'yung kanyang integrity bilang isang nation, kaya 'yung ating mga kabayan ipinakita lamang na mayroon silang pakiaalam sa mga isyung pambayan?" dagdag ni Manuel.

Naniniwala din si Manuel na hindi nanggaling sa mga raliyista ang gulo. 

"Sa 'ting mga kapulisan, kung gagampanan natin 'yung ating trabaho dapat sana ay sa tamang paraan lamang… Kitang-kita din naman sa mga video at documentation na tila ba ay sasagasaan 'yung ating mga kabataan at sila pa 'yung paparatarangan na pag-resist nu'ng arrest na tingin natin ay sobra-sobra na at hindi na dapat mangyari," dagdag pa ni Manuel.

Sa ngayon, balik sa MPD headquarters ang dalawang estudyante at pansamantalang ipipiit sa detention cell nito at inaasahang doon na magpapalipas ng magdamag.

-- May mga ulat nina Johnson Manabat at Karen De Guzman, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.