PatrolPH

Ilang lugar sa Davao region binaha

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2021 01:10 PM

Ilang lugar sa Davao region binaha 1
Baha sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte nitong Abril 11, 2021. Retrato mula sa Santo Tomas Municipal Government

Binaha ang ilang bahagi ng Davao region nitong weekend dahil sa easterlies o hangin mula sa Pasipiko.

Umabot hanggang baywang ang taas ng tubig sa ilang lugar sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte nitong madaling araw ng Linggo.

Dahil dito, nagsagawa ng relief operation ang lokal na pamahalaan sa apektadong 1,130 na pamilya.

Bukod kasi sa malalakas na ulang dala ng easterlies, may kakulangan din ng drainage canal sa bayan.

Nakatakda umanong magpulong ang mga opisyal ng Santo Tomas para pag-usapan ang solusyon sa pagbaha.

Ilang lugar sa Davao region binaha 2
Nagkalat ang mga gamit sa bahay na binaha sa Mati City, Davao Oriental noong Abril 10, 2021. Retrato mula sa Mati City Information Office

Sa Mati City, Davao Oriental, higit 30 kabahayan sa Barangay Macambol ang naapektuhan ng biglang pagbaha, gabi ng Sabado.

Base sa ulat ng Mati City Disaster Risk Reduction Management Office, 4 na kabahayan na may 6 na pamilya ang pinakaapektado ng baha matapos itong mag-iwan ng pinsala sa kanilang mga tirahan at ari-arian.

Wala namang naiulat na nagtamo ng injury sa pagbaha.

Binaha rin ang maraming lugar sa Davao City nitong gabi ng Sabado bunsod ng malakas na pag-ulan.

Bumuhos ang ulan simula bandang alas-5 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi.

Baha sa Davao City noong Abril 10, 2021.

Kabilang sa mga lugar na binaha ang Barrio Obrero, Sto. Niño Matina, Ulas, J.P. Laurel Avenue at ilan pang lugar sa city proper.

May umapaw pang creek sa Roxas Avenue.

Nakaranas din ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga motoristang na-stranded dahil sa baha.

Sa video na kuha ni Marojorie Lapuz, mapapanood ang hanggang baywang na baha sa residential area sa Barangay 8-A.

Unang beses umanong naranasan ang ganoong katinding pagbaha,na humupa rin bandang alas-10 ng gabi.

Sa video naman ni Menard Esquibel, pumasok sa kanilang bahay sa Barangay Matina Aplaya ang tubig.

Umabot hanggang tuhod ang tubig kina Esquibel, na unang beses nakaranas nang ganoong katinding pagbaha.

– Ulat nina Hernel Tocmo at Francis Magbanua

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.