PatrolPH

DOH ipinaliwanag ang mataas na bilang ng mga namamatay sa mild COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2021 06:30 PM

Watch more on iWantTFC

Naitala noong Abril 9 ang 401 namatay dahil sa COVID-19, ang pinakamataas na bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa COVID-19 sa loob ng isang araw.

Sa pag-aaral ng ABS-CBN News Data Analytics Team, 84 porsiyento o 8 sa bawat 10 namatay ay mga bagong kaso nitong Marso at Abril lang.

"Hindi na talaga ito tulad ng reporting dati na puro backlogs na from a few months ago or even backlog from 2020. Majority ay nangyari these past few weeks lang," sabi ni Edson Guido, head ng ABS-CBN data team.

"Nakikita nga natin na ito na ngayon 'yong resulta ng mga spike ng mga case," dagdag niya.

Pero ang mas nakakabahala ay 175 sa mga namatay ay mild cases at may 2 asymptomatic pa.

"Posibleng hindi naa-update ‘yong tagging ng mga active cases from mild to severe or critical, no? Even in previous days eh, mas marami ring namamatay na mild at recovered," sabi ni Guido.

Ipinaliwanag naman ng Department of Health (DOH) na hindi naman awtomatikong COVID-19 ang ikinamatay ng mild at asymptomatic cases.

Kasama na rin umano sa bilang ng COVID-19 death kahit iba ang dahilan ng pagkamatay.

"Maari na ang ikinamatay nila ay hindi COVID kung hindi ‘yong kanilang underlying illness dahil may mga pasyente na tinatawag nating inadvertedly positive," sabi ni Dr. Anna Ong-Lim ng DOH technical advisory group.

"Ibig sabihin, ginagamot natin sila para doon sa kanilang pinakaproblema, pero para ma-admit sa ospital ay kinakailangan natin na i-test sila and doon lang natin natutuklasan na positibo pala sila," paliwanag ng doktora.

Ayon pa kay Ong-Lim, posible ring mauwi sa critical o severe cases ang mild at asymptomatic cases.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.