PatrolPH

2 umanong kidnapper patay sa engkuwentro sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2021 12:18 PM

2 umanong kidnapper patay sa engkuwentro sa Parañaque 1
Patay ang 2 sinasabing miyembro ng kidnap-for-ransom group sa engkuwentro sa Parañaque City. Retrato mula sa Philippine National Police-Anti Kidnapping Group

Patay ang 2 hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom group matapos makipagbarilan umano sa mga awtoridad sa Parañaque City, sabi ng pulisya.

Nangyari ang engkuwentro noong Biyernes matapos umanong makatanggap ng tip ang Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ukol sa namataang ilang miyembro ng kidnap-for-ransom group na nakasakay ng motorsiklong wala plaka at tila hinahanap ang target nilang biktima.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis nang makatunog na sinusundan sila ng mga ito.

Nagkaroon pa ng habulan pero kalauna'y nakorner ng mga pulis ang mga suspek.

Iniwan pa umano ng mga suspek ang motorsiklo at tumakbo, pero hindi na sila nakalayo at tinamaan na rin ng mga awtoridad.

Dead on the spot ang suspek na si Jobert Gañares, habang naitakbo pa sa ospital ang kasamahan nito pero binawian din ng buhay.

Si Gañares ay dawit sa pagdukot kay James Elijah Yap sa New Manila, Quezon City noong Disyembre 31, 2020, sabi ng PNP-AKG.

Narekober sa crime scene ang ginamit na motorsiklo at 2 baril na may mga bala.

– Ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.