PatrolPH

Sabungan na binuksan kahit may quarantine sa Davao del Sur sinalakay; 4 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2020 04:23 PM | Updated as of Apr 11 2020 04:45 PM

Sabungan na binuksan kahit may quarantine sa Davao del Sur sinalakay; 4 tiklo 1
Photo courtesy: Sulop PNP

SULOP, DAVAO DEL SUR - Huli ang apat na lalaki na nagsabong sa Barangay Litos, sa bayan na ito, Biyernes Santo sa kabila ng ipinatutupad na quarantine dahil sa COVID-19. 

Nakatanggap ng tawag ang Sulop PNP bandang alas-2 ng hapon mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilegal na sabong.

Agad pinuntahan ng mga pulis ang lugar pero nakatunog ang mga nagsusugal at nagsipulasan. 

Nauwi ang insidente sa habulan. Naabutan sa tubohan ang apat na lalaki. Tantiya ng Sulop PNP, aabot sa higit 50 katao ang nasa nasabing sabungan. 

Nakuha ng mga pulis ang 18 na manok pangsabong, siyam na bihag, at tatlong kulungan ng manok.

"Nasa gitna ng tubohan ang lokasyon at maraming nakatakas nang nagkahabulan na. Napakalaking tulong ang pagbigay ng impormasyon mula sa mga residente," pahayag ni Police Capt. Harold Untalan, hepe ng Sulop PNP.

Mahaharap ang apat sa kasong paglabag sa cockfighting law at Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Nauna nang isinailalim ang buong Davao Region sa enhanced community quarantine kung saan bawal ang mga mass gathering gaya ng pagsasabong. 

-- Ulat ni Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.