BASAHIN: Bagong klasipikasyon ng mga pasyenteng sinusuri para sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2020 06:06 PM

MAYNILA--May bagong klasipikasyon ang Department of Health ng mga pasyenteng isinasailalim sa screening para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa ilalim ng lumang klasipikasyon, tinatawag na “persons under monitoring,” “patients under investigation” at COVID-19 positive patients ang mga pasyenteng sinusuri sa nasabing sakit. 

Pero base sa memorandum na inihain ng DOH, maituturing na “suspected cases” ang mga persons under investigation na hindi pa tine-test sa COVID-19. “Probable” naman ang tawag sa mga pasyenteng nag-aantay ng kanilang test results; pinapalitan ng dalawang klasipikasyon ang terminong PUI. 

Aalisin naman sa kanilang klasipikasyon ang terminong “persons under monitoring.” 

SUSPECTED CASE

Maituturing na "suspected case" ang isang pasyente kapag: 

1. Meron siya ng mga sumusunod na sintomas: 

  • Lagnat na 38 degrees pataas 
  •  Ubo 
  • Pananakit ng lalamunan

May travel history din dapat ito o naninirahan sa lugar na may local COVID-19 transmission 14 araw bago magsimula ang sintomas, o may close contact sa kumprimadong kaso o hinihinalang kaso ng COVID-19 14 araw magmula noong magsimula ang mga sintomas.

2. Maituturing din na “suspected case” ang isang pasyente kapag may lagnat, ubo, at hirap itong huminga at kung 60 anyos pataas, may preexisting condition, maselan ang pagbubuntis, o kaya health worker ang pasyente. 

3. Nakakaranas ng biglaang lung illness ang pasyente na malubha at kinakailangang ma-ospital. 

PROBABLE

Maituturing “probable” naman ng COVID-19 ang isang pasyente kung dati na itong itinuturing na “suspected case” at hinihintay nito ang kaniyang COVID-19 results, o hindi isinagawa ang test sa isang opisyal na laboratory na may RT-PCR test, o kaya kapag hindi pa ito nate-test sa nasabing sakit. 

CONFIRMED

Maituturing naman na “confirmed” na kaso ng COVID-19 ang isang pasyente kapag lumabas sa RT-PCR testing nito na nagpositibo siya sa coronavirus. 

Layon ng bagong klasipikasyon na magkaroon ng uniform reporting para sa mas mahusay na pagtutok sa mga hakbang laban sa COVID-19. — Ulat ni Angela Coloma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.