Taxi driver, nangholdap ng dayuhang pasahero sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 05:52 AM

MAYNILA - Arestado ang isang taxi driver matapos mangholdap umano ng pasaherong Malaysian national sa Pasay City.

Kuwento ng biktima, patungo siya sa isang mall nang holdapin ng suspek.

"He took a knife and robbed me. He just robbed my money and I gave all my money to him," aniya.

Nakuha ng biktima ang impormasyon ng taxi at isinumbong sa mga pulis. Namataan muli sa lugar ang taxi at naaresto ang suspek.

Ayon kay Police Capt. Romel Bulan, commander ng Pasay City Police Community Precinct (PCP) 11, isinugal umano ng suspek ang ninakaw na P6,000.

"Natalo 'yung P6,000 na nakuha niya then bumalik uli rito. Siguro may plano na naman mambiktima kaya bumalik na naman dito sa area natin," aniya.

Inamin naman ng suspek na ikatlong beses na umano niya itong ginawa sa mga dayuhan. Part time lang din umano siya sa pamamasada ng taxi.

"Pansusugal ko lang po sir," depensa nito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papalit-palit ang suspek ng hinihiram na taxi tuwing mambibiktima ng pasahero.

Sasampahan ang suspek ng kasong robbery holdup at paglabag sa Omnibus Election Code matapos makuhanan ng patalim. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.