OFWs sa Libya hinikayat na magbalik-bansa

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasabay ng utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) na total deployment ban sa Libya, nananawagan sila sa overseas Filipino workers (OFW) doon na boluntaryong bumalik na ng Pilipinas bago pa maipit sa armadong sigalot sa naturang bansa.

Noong Miyerkoles, itinaas na ng Pilipinas sa alert level three ang sitwasyon sa Libya kasunod ng lumalalang gulo doon. 

Sasagutin ng gobyerno ang pamasahe ng sinumang OFW na gusto nang umuwi at tutulungan pa daw magkatrabaho sa ibang bansa kung sakali.

"Kung nurses kayo andiyan ang alternative employment that are in Germany, ganu'n din sa Japan," sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Nasa 2,600 ang OFW na nakabase sa Libya, ayon sa datos ng pamahalaan. Karamihan sa kanila nagtatrabaho sa mga ospital, construction sites, at oil companies.

Sa kabila ng banta sa seguridad, may mga Pilipinong mas nanaising magtrabaho sa gitna ng digmaan.

"Meron talagang putukan, meron bombahan dito, pero tuloy pa rin ang buhay dito sa Tripoli," sabi ng English teacher na si Aniceto Maturan.

Sabi pa niya, hindi pa naman daw apektado ang Tripoli sa karahasan. 

"Iyung iba tuloy pa rin ang klase nila, 'yung iba tuloy ang trabaho sa ospital... Bukas naman ang mga shopping mall dito, tuloy pa rin ang kalakaran dito sa Tripoli, wala pong problema sa umaga," ani Maturan.

Ayon naman kay Susan Ople ng Blas F. Ople Policy Center, malaki ang magagawa ng mga kaanak para kumbinsihin ang mga OFW na bumalik muna ng Pilipinas.

"Sana maisip din nila ang kaligtasan nila at 'yung peace of mind ng pamilya nila at ng mga kawani ng gobyerno na andu'n ngayon para tulungan silang makalikas," sabi ni Ople. 

Ayon sa ulat ng World Health Organization, di bababa sa 47 tao ang napatay at 181 ang nasugatan nitong mga nakaraang araw dahil sa iba't ibang karahasan matapos ang tangka ng Libyan National Army na alisin ang Libya mula sa pagiging internationally recognized government.

—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.