Mahigit 2,000 kahon ng umano'y smuggled na sigarilyo, nasabat sa Zamboanga City

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 12:18 AM | Updated as of Apr 11 2019 12:21 PM

ZAMBOANGA CITY - Mahigit kumulang 2,000 kahon ng umano'y smuggled na sigarilyo ang nasabat ng Philippine Navy sa karagatan ng Zamboanga City Martes ng gabi.

Ayon kay Bureau of Customs district collector Atty. Sigmunfreud Barte Jr, hindi bababa sa P50 milyon ang halaga ng mga nasabat na sigarilyo.

Nagpapatrolya ang Philippine Navy sa lugar nang mapansin nila ang bangkang may lamang mga kahon. Mabilis umano ang pagtakbo nito kaya hinabol ng Philippine Navy.

Nang maabutan, agad ininspeksyon ang bangka at nadiskubre ang mga dalang kontrabando. Walang maipakitang papeles ang mga tripulante ng bangka kaya dinala sila sa Bureau of Customs.

Ininspeksiyon din ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga karton ng sigarilyo para masigurong walang nakasilid na droga rito.

Sa tantya ng Customs, ito na ang pinakamalaking halaga ng smuggled cigarettes na nasabat sa lungsod.

Hindi na humarap sa kamera ang mga tripulante pero ayon sa kanila, galing umano sila sa lalawigan ng Sulu.

Wala pang nagpapakilalang may-ari ng mga kontrabando kaya inirekomenda ni Barte na sirain na agad ang mga sigarilyo para hindi na mapakinabangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.