Kandidato sa pagka-konsehal sa Legazpi patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 11:17 AM

Patay ang isang kandidato sa pagka-konsehal ng Legazpi City sa Albay matapos umanong barilin sa abandonadong bahay noong Miyerkoles, ayon sa pulisya.

Kasama ng biktima na si retired Police Col. Ramiro Bausa ang kaniyang drayber nang pumunta sila sa Barangay Cagbacong bandang ala-1 ng hapon, ayon kay Police Lt. Col. Aldwin Gamboa, hepe ng Legazpi City police. 

"Pagdating nila dito dun sa may tulay pinababa, bumaba siya maya maya ah nakarinig daw ng putok yung driver pakatapos mayamaya lumapit sa kanya dalawang naka M-16 sinabihan siyang umalis na siya," ani Gamboa. 

Sinuyod ng mga opisyal ng barangay at mga tanod ang lugar kung saan binaril ang kandidato. Mag-a-alas singko na ng hapon nang matagpuan ang bangkay ni Bausa sa likod ng isang bahay na 3 taon nang hindi tinitirhan. 

May mga nakuhang slug ng M-16 rifle malapit sa bangkay. 

Dalawang anggulo ang tinitingnan ng pulis: una rito ang politika bilang tumatakbong independent si Bausa. 

Posible rin umanong may kinalaman ang New People's Army sapagkat kare-retiro lang ni Bausa sa serbisyo. 

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. 

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.