DOE iginiit na walang krisis sa kuryente

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 06:42 PM

Iginiit ng Department of Energy na walang krisis sa kuryente, sa gitna ng pagtaas ng "red alert" sa Luzon grid sa nakalipas na dalawang araw. 

Ang red alert ang pinakamataas na alert level na maaaring itaas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Ibig sabihin nito, manipis ang reserba ng kuryente at posibleng mag-brownout. 

"Nakikita naman natin 'yung solutions and nakikita natin 'yung timelines. We will be honest with you kung may problema talaga," ani Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella. 

Magkakaroon pa rin daw ng alert bukas pero tiniyak ng DOE na sasapat pa rin ang suplay ng kuryente, lalo na sa susunod na linggo kung saan marami ang nakabasyon at inaasahang bababa ang pangangailangan sa kuryente. 

Paliwanag ng DOE, mataas ang pangangailangan sa kuryente dahil sa init ng panahon at may mga plantang nag-offline nang hindi nakaplano. 

Kaya naman ipinapatawag na at pinagpapaliwanag ng DOE ang mga nasabing planta. 

"Papakinggan natin lahat para maging patas. Tingnan natin kung walang nangyari na hindi naman sila nag-usap-usap. DOE will be very objective but if we see that there really is that problem we might incarcerate,” ani Fuentebella. 

Magmula alas-2 ng hapon ay ibinaba na sa yellow alert ang Luzon grid. 

Siniguro rin ng DOE na hindi magiging problema ang power interruption sa darating na halalan. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.