9 lungsod sa Metro Manila may water interruption sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 03:08 PM | Updated as of Apr 11 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pansamantalang mawawalan ng tubig sa ilang bahagi ng 9 lungsod sa Metro Manila sa Semana Santa dahil sa gagawing pagkukumpuni ng Maynilad mula Abril 16 hanggang Abril 20, sabi ng kompanya nitong Huwebes. 

Ayon sa Maynilad, parte ito ng kanilang "water network enhancement activities."

Nilinaw naman ng Maynilad na pansamantala lamang ang naturang pagkawala ng suplay ng tubig, na kalimitang isasagawa sa gabi na tatagal hanggang alas-4 ng madaling araw kinabukasan.

Siniguro ng Maynilad na mayroong suplay sa umaga matapos isagawa ang pagkukumpuni.

Kabilang dito ang ilang bahagi ng mga sumusunod na lungsod:

  • Maynila
  • Malabon
  • Navotas
  • Valenzuela
  • Quezon City
  • Parañaque 
  • Pasay
  • Las Piñas
  • Bacoor

Para hindi magkasabay-sabay sa pag-iimbak, pinapayuhan ng Maynilad na magtabi ng tubig ang mga residente tatlong araw bago ang water interruption schedule.

May nakaantabay naman na 40 water tankers ang Maynilad na handang magdala ng tubig sa mga apektadong lugar.

—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.