Travel agent na di naka-book ng flight kahit naningil na, timbog

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 09:45 PM | Updated as of Apr 12 2018 01:43 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang nagpakilalang travel agent sa Quezon City nitong Martes, Abril 10, sa entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ireklamo ng panloloko umano ng isang kliyente.

Ayon sa biktimang si alyas "Jane," hiningian siya ng advance payment ng suspek na si Arlene Calbonero, 46 anyos, upang ipambili ng plane tiicket para sa limang tao papuntang Los Angeles at Mexico City.

Nagbayad ng P248,500 si Jane kay Calbonero para sa airline booking na nakatakda ngayong Abril 11. 

Laking gulat na lang ni Jane nang mag-check siya sa airlines kung saan dapat sila naka-book at nalamang wala pala ang mga pangalan nila sa confirmed booking.

Nanghingi pa raw si Calbonero ng dagdag na P120,000 para tuluyang mai-book ang kanilang flight.

Dumulog na si Jane sa QCPD na nagkasa ng entrapment operation sa isang coffee shop kung saan nagtangkang makipagtransaksiyon muli ang suspek.

Nagpaalala naman ang QCPD sa mga bakasyunista na magdoble ingat sa mga oportunista lalo na ngayong maraming nagpaplano ng kanilang getaway sa tag-init.

Mainam din, ayon sa pulisya, kung sa mga lehitimong travel agency na accredited ng Department of Tourism lang makipagtransaksiyon ng biyahe.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.