SAPUL SA CCTV: Kawatan target ang cellphone ng mga receptionist

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 02:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasapul ng mga CCTV ang isang kawatan na modus mamigay ng flyers sa mga opisina ngunit target pala ang cellphone ng mga receptionist.

Mahigit isang linggo na mula nang manakaw ang iPhone X ng receptionist na si Sha Tengson pero hindi pa rin niya makalimutan ang karanasan. 

Sa harap lang kasi niya ito mismo nakuha nang hindi niya pa namamalayan.

Sa kuha ng CCTV sa pinagtatrabahuhan niyang opisina sa Quezon City, makikitang pumasok ang lalaki upang mamigay umano ng flyers.

Ang cellphone ni Tengson, nakapuwesto lamang sa kaniyang harapan na tila tinitimbrehan na pala ng kawatan.

Sunod siyang nilapitan ng lalaki at binigay ang mga flyer. Ang hindi alam ng biktima, sinisikwat na pala ng lalaki ang kaniyang cellphone. 

Wala pang isang minuto, lumabas ang lalaki tangay ay cellphone ni Tengson.

"Pinilit niyang basahin sa akin 'yung mga papel...Ang ayos ng itsura niya, 'yung pananamit. Tapos relaxed naman siyang nakikipag-usap sa akin," aniya.

Matapos i-upload ni Tengson ang video sa internet, isa pang babae ang nag-message sa kaniya para sabihin na nabiktima rin ito ng parehong lalaki.

Sa CCTV, makikita ang lalaki na pumasok ulit sa isang opisina para mamigay ng flyers.

Kinausap rin niya ang receptionist.

Habang ibinibigay ang flyer ay unti-unti niyang tinatakpan ang cellphone ng biktima gamit ang papel, hanggang sa tuluyan na niyang makuha ito. 

"May mga nag-send din sa akin na siya din 'yun. Puro receptionist ang tinatarget niya," ayon kay Tengson.

Nagpayo naman ang mga pulis sa mga receptionist.

"Iyung mga gamit niyo siyempre maging alerto kayo...Siguro ilagay niyo sa hindi nila kayang abutin," ani SPO4 Genere Sanchez, chief investigator ng QCPD Station 8
 
Tuloy-tuloy ang pagtugis ng mga pulis sa tirador ng cellphone ng mga receptionist.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.