Pulis na umano’y utak sa pagdukot sa high-value target, arestado

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 07:11 PM | Updated as of Jan 29 2019 09:00 AM

(UPDATE) Arestado Miyerkoles ang isang pulis na umano'y utak sa pagdukot sa isang high-value target sa Quezon na nauwi sa isang engkuwentro noong Martes.

Kinilala ang pulis bilang si SPO2 Leo Leal Pamonag na nakadestino sa Police Regional Office 4-A.

Arestado rin ang mga kasabwat niya na sina Glen Tancongco at Lalaine Barrios.

Ayon kay Senior Supt. Glenn Dumlao, direktor ng PNP Anti-Kidnapping Group, nagsu-supply umano ang suspek ng uniporme, baril, granada at bala sa mga napatay na kidnapper sa San Pablo, Laguna.

“Siya ang in-charge magpagawa ng uniporme, pati mga patch, siya raw ang nag-design, siya rin ang kumuha ng bala, nagbigay ng bala, safehouse at granada,” aniya.

Dagdag ni Dumlao, ang naturang pulis ang umano'y pumupuntirya ng high-value target at iri-raid ang bahay kung saan magpapanggap sila bilang mga pulis at PDEA agent tulad ng naganap ng senaryo ng pagdukot kay Arguelles.

Itinuro rin umano ng grupo ang isang Ricky Barrios, na kasalukuyang nakakulong sa Quezon Bureau of Jail Management and Penology bilang kanilang lider, ayon kay Dumlao.

“2015 na-involved sa gun for hire activities, nakasuhan din siya ng murder at illegal possession of firearms sa Candelaria. As early na-involved sya sa criminal activities, doon siya nahinog,” ani Dumlao.

Aniya, modus umano ng grupo na hingan ng P2 milyon ang isang high-value target para hindi ito makasuhan.

“Walang magawa yung nahuli nilang drug pusher kung hindi give in sa demand nila. Kukunin ang shabu niya, kukunin ang pera niya. At kung may kotse, o ari-arian, deed of sale kaagad,” ani Dumlao.

Nitong Lunes, dinukot ng armadong grupo na nagpakilalang mga miyembro ng PDEA ang biktimang si Ronaldo de Guzman Arguelles sa kaniyang bahay sa Barangay Mangilag Sur, bayan ng Candelaria, Quezon, Lunes ng gabi.

Matapos ito, nakatanggap na ang pamilya ni Arguelles ng ransom demand na aabot sa P700,000. 

Sa ransom pay-off sa Barangay San Nicolas, San Pablo City, nakatunog ang mga suspek sa mga pulis at nakipagputukan.

Bukod sa anim na namatay, 3 pang pulis ang bahagyang nasugatan sa engkuwentro. -- May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.