Pinuno ng Facebook, nag-sorry sa data breach

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 08:07 PM

Humarap sa Senado ng Amerika nitong Martes ang founder at chief executive ng Facebook na si Mark Zuckerberg para magpaliwanag sa nangyaring data breach ng halos 87 milyong users sa buong mundo.

Inaako ni Zuckerberg ang pagkukulang sa data breach.

"We didn't take a broad enough view of our responsibility, and that was a big mistake, and it was my mistake, and I'm sorry. I started Facebook, I run it, and I'm responsible for what happens here," aniya.

Inamin ni Zuckerberg na noong nalaman nila ang data breach ng Cambridge Analytica noong 2015, hindi nila inabisuhan ang Federal Trade Commission (FTC) o ang mga apektadong user.

Ayon kay Zuckerberg, masyado silang nagtiwala sa Cambridge Analytica na buburahin nito ang impormasyon na nakalap ng kanilang app. 

Nangako siya na titingnan ang lahat ng apps na may access sa pribadong impormasyon sa Facebook. 

"It's not enough to just give people a voice, we need to make sure that people aren't using it to harm other people or to spread misinformation. And it's not enough to just give people control over their information," ani Zuckerberg.

Tuloy ang pagtestigo ni Zuckerberg sa US Senate at Congress sa mga susunod na araw.

Sa Pilipinas naman, nasa 1.17 milyon na Facebook users ang natamaan ng data breach dulot ng isang personality quiz.

Para sa mga nais malaman kung kabilang sa mga apektado ng data breach, mag-log on sa Facebook account, i-click ang help question mark tapos i-click ang help center.

Sa search box, i-type ang "Cambridge Analytica" para makita kung na-access ang data.

Payo naman ng data privacy advocate na si Atty. JJ Disini, tingnan muna kung anong klaseng impormasyon ang makakalap mula sa account, cellphone, o computer bago mag-download ng mga app.--Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.