Pamimigay ng ID sa mga residente ng Boracay, ipinahinto muna

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinatigil muna ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan nitong Miyerkoles ang pamimigay ng mga barangay ng IDs sa mga residente ng Boracay dahil sa kakulangan sa guidelines o patnubay.

"Hindi very clear iyong guidelines," sabi ni Rowen Aguierre, executive assistant ni Malay Mayor Ciceron Cawaling. "You could use your government-issued ID as long as your address doon is Boracay."

Nauwi sa siksikan at gulo ang pagkuha ng mga residente ng ID sa mga barangay hall sa isla noong Martes.

Ang mga ID ang magsisilbing patunay na sila'y taga-Boracay at maaaring manatili sa isla sa loob ng anim na buwang pagpapasara, na magsisimula sa Abril 26.

Susuriin naman ng Bureau of Immigration ang mga dayuhang nakatira sa Boracay.

Tiniyak ni Budget Secretary Benjamin Diokno, may inilaan namang pondo ang gobyerno para sa mga maapektuhang manggagawa at negosyante sa isla.

"Mayroon naman tayong funds na puwedeng i-access, 'yong contingency fund, calamity fund can be used," ani Diokno.

Malaki naman ang tiwala ni Tourism Secretary Wanda Teo na matatapos ang rehabilitasyon ng Boracay sa loob lang ng apat na buwan.

Hihigpitan na rin ang mga rekisito sa mga itatayong gusali kapag muling nagbukas ang Boracay.

"Before they get a business permit, they have to go to DOT (Department of Tourism) for accreditation para ma-monitor namin, para ma-check namin," sabi sa ANC ni Teo.

Nagdesisyon ang pamahalaan na pansamantalang isara ang Boracay noong nakaraang linggo upang isaayos at linisin ang isla na napinsala ng polusyon at mga estruktura na lumabag sa mga batas na pangkalikasan.

-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.