'Kapabayaan, posibleng sanhi ng bumagsak na crane'

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 08:51 PM | Updated as of Jan 29 2019 05:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng mga enhinyero ng Pasay nitong Miyerkoles na posibleng "negligence" o kapabayaan ang naging sanhi ng pagbagsak ng isang crane mula sa isang construction site sa lungsod noong Martes.

"Baka mayroon silang na-miss na screw para hindi siya bababa eh. Kasi 'di siya dapat biglang bababa kung mahigpit iyong screw," paliwanag ni Edwin Javaluyas, inhenyero mula sa Pasay City Engineering Office.

Sa paunang imbestigasyon ng Pasay police, bumagsak ang crane habang itinataas ito matapos magkulang ang pressure sa hydraulic cylinder nito.

"Pinatatanggal ko 'yang hydraulic jack nila para mapa-testing namin what really transpired," ani Javaluyas.

Sinasabing nangyari ang aksidente sa kabila ng lingguhang maintenance sa equipment.

Bago mag-ala-una ng hapon nitong Martes, bumagsak ang isang crane mula sa ginagawang STI Academic Center sa katabi nitong gusaling Core Town Building sa may kanto ng P. Calle Street at EDSA Extension.

Dalawa ang nasawi, kabilang ang crane operator mula sa Monocrete Construction Inc. at isang janitor sa katabing gusali. Anim naman ang sugatan.

Handa umanong magpaabot ng ayuda sa mga biktima ang pamahalaang lokal ng Pasay.

Kung may makikitang lumabag, posibleng makasuhan ang Monocrete Construction Inc. ng reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.