Jailbreak: 1 nalalabing preso, tinutugis ng awtoridad

Jewel Reyes, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 09:37 AM | Updated as of Apr 11 2018 08:41 PM

Si Sulayman Sali na lamang ang pinaghahanap ng awtoridad mula sa 17 presong pumuga sa Police Station 6 sa Zamboanga City, Abril 10, 2018 ng madaling araw.

ZAMBOANGA CITY – Tanging isa na lamang sa mga presong tumakas mula sa estasyon ng pulisya ang hindi pa naibabalik sa kulungan.

Nakalalaya pa rin si Sulayman Sali na subject ng manhunt operations ng awtoridad.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto rin ng pulisya ang pamangkin ng isa sa mga detainee na umano’y nagbigay sa kanila ng hacksaw blade para panlagare sa cell bolt ng kanilang piitan.

Pero itinanggi naman ito nang suspek at itinuro ang isa pang kamag-anak na umano’y nag-supply sa mga preso ng lagare.

Ihinahanda na ng awtoridad ang kaso laban sa kaniya.

Naibigay na sa pangangalaga ng Zamboanga City Police Office headquarters ang mga detainee na nahuli muli o sumuko matapos tumakas.

Samantala, ang Regional Mobile Force Company muna ang hahawak sa Police Station 6 at ang hepe nitong si Superintendent Alvin Saguban ang tatayong officer-in-charge.

Ito ay matapos na sibakin sa pwesto ang 22 na pulis, kasama ang kanilang hepe na si Supt. Hadjiri Langgal dahil sa insidente.

Ayon kay Langgal, naghahanda na siya ng kasong administratibo labang sa 4 na tauhan na naka-duty nang maganap ang jailbreak.

-- May ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.