Heat index sa Cotabato City, pumalo ng 41 degrees Celsius

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 10:42 PM

COTABATO CITY – Pumalo sa 43.1 degrees Celsius ang heat index o ang temperaturang nararamdaman ng tao sa Cotabato City nitong Sabado.

Ito ang pinakamainit na temperaturang naitala sa buong Mindanao ngayong taon, ayon sa PAGASA.

Nitong Martes, umabot naman sa 37.7 degrees Celsius ang temperatura o katumbas ng 41 degrees Celsius na heat index.

Ayon sa PAGASA, isa sa mga dahilan ng sobrang init na temperatura ay ang nararanasang "easterlies" na nagdadala ng mainit na hangin mula sa Dagat Pasipiko.

"Sa Cotabato City kasi dumami na ang tao, dumami ang establishments at kahit yung farm naging building so ang moisture content sa Cotabato, mababa na rin. Ang location ng Cotabato, surrounded ng bundok na wala na mga puno, so ang evaporation ng tubig mababa at malapit tayo sa dagat na ilan sa mga factor kung bakit mainit ang temperature,” ani Charlene Jamero ng PAGASA-Cotabato.

Paalala ng mga doktor, ugaliing uminom ng tubig ngayong mainit ang panahon.

"Iwasan ang heatstroke, laging uminom ng tubig, magsuot ng protective gears, sombrero, long sleeves, sunglasses,” ani Dr. Kadil Sinolinding Jr., kalihim ng Department of Health-Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon sa PAGASA, wala pang paparating na bagyo sa mga susunod na araw. 

Kung mayroon mang mga panaka-nakang pag-ulan, ito ay dulot ng tinatawag na "localized thunderstorms".

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.