PatrolPH

Briton natagpuang patay sa fish pond sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 02:28 PM

BINMALEY, Pangasinan - Natagpuan ang bangkay ng isang British national sa fish pond sa Barangay Biec sa bayang ito, Miyerkoles ng umaga. 

Galing ang dayuhang si Gerald Thomas Higgins, 56, sa isang kasiyahan sa katabing bayan ng Dagupan nitong Martes ng gabi, batay sa paunang imbestigasyon. 

Nakausap pa umano ni Higgins ang kaniyang asawa, pero hindi na nakontak bandang alas-2 Miyerkoles ng madaling-araw.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung na-hit and run ang biktima. 

"Noong tiningnan natin yung area, may nakita tayong skid mark, mahabang skid mark ng sasakyan. Noong masusi naming tiningnan yung area, wala kaming nakitang empty shell na baka shooting incident," sabi ni Supt. Mona Lisa Asis, hepe ng Binmaley police. 

Posible aniyang itinapon lamang ang katawan ng biktima sa naturang fish pond.

"Doon sa braso niya na may mga gasgas, hindi alam kung napasubsob... Dito sa mukha niya , it's either nga daw na malakas na pagbagsak or malakas na pagpalo. Tinitingnan natin lahat ng possible na anggulo," ani Asis. 

Hindi rin aniya isinasantabi ang anggulong robbery hold-up, bagamat nahanap sa biktima ang kaniyang cellphone at P5,000. 

Ulat ni Juan Patricio Germono, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.