BALIKAN: Mga eksena sa 'makasaysayang' pagharap ni Sereno sa SC

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 10:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matinding bakbakan at talastasan ang nangyari sa pagitan nina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at iba pang mga mahistrado ng Korte Suprema sa oral arguments sa Baguio City nitong Martes.

Isang araw lang ang itinakdang oral arguments kaya pinilit itong matapos kahit pa umabot hanggang gabi. 

May 10 araw o hanggang Abril 20 ang Office of the Solicitor General (OSG) at kampo ni Sereno para isumite ang kani-kanilang memorandum o pinal na mga argumento.

Nais kasi ng OSG na mapawalang-bisa ang appointment ni Sereno dahil sa kawalan umano ng integridad niya sanhi ng kaniyang hindi naisumiteng Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN). 

Kapag naipasa na ang mga argumento ay saka pa lang magiging hinog para sa desisyon ang kaso. 
    
Buong Mayo walang sesyon ang Korte Suprema kaya posibleng sa Hunyo na maibababa ang hatol kung mananatili ba sa puwesto si Sereno.

Pero kahit tapos na, usap-usapan pa rin ang naging "bakbakan" dahil itinuturing itong makasaysayan dahil ito ang unang pagkakataon na sumalang sa interpellation o panggigisa ng mga mahistrado ang isang chief justice. 

Inumpisahan ni Associate Justice Teresita de Castro ang pagtatanong kay Sereno ukol sa kaniyang SALN.

Hindi nagpasindak si Sereno at hiningi ang kasiguraduhan sa mga kapwa mahistrado na dapat handa rin silang humarap sa parehong quo warranto sakaling maungkat ang kanilang SALN. 

Tila pinasaringan din ni Sereno si De Castro at sinabing 15 lamang ang isinumite nitong SALN kahit "kailangan" aniyang 39.

"For example Justice De Castro who should have filed 39 SALNs but filed only 15 with the JBC (Judicial and Bar Council)," giit ni Sereno. 

Hindi na sumagot sa hirit si De Castro at bagkus ay inutusan si Sereno na bigyang linaw ang kaniyang umano'y di paghahain ng SALN.

Matatandaang isa si De Castro sa mga mahistrado na tumestigo sa House impeachment hearings laban kay Sereno. 

Habang nagtatanong, biglang humirit si De Castro tungkol sa inihaing motion to inhibit ni Sereno laban sa kaniya. 

"There's something in your motion for inhibition, there are allegations and grounds stated which I vehemently deny...especially the conversation that you mentioned, it never happened and I am going to prove that," ani De Castro. 

Tinutukoy niya ang umano'y usapan nila, kung saan sinabi ni De Castro na hindi niya mapapatawad si Sereno sa pagtanggap ng posisyon bilang Chief Justice. 

Maaalalang nag-apply din sa pagka-Chief Justice si De Castro pero hindi ito napili. 

Nagtagal ang kanilang debate nang dalawang oras bago sunod na nakapagtanong ang ibang mga mahistrado. 

Sa pagtatanong naman ni Associate Justice Marvic Leonen, sinabi nitong hindi isang patunay ang SALN ng integridad ng isang tao. 

Aniya, ang patunay ng integridad ay ang pagiging "independent" ng isang mahistrado mula sa impluwensiya ng sino man. 

"Because I think the measure of integrity is the ability of a justice not to be swayed by pressure from yellow or red or black or whatever political color," ani Leonen.

Matatandaang nagsuot ng mga kulay pulang damit ang mga mahistrado kagaya nina De Castro at Associate Noel Tijam sa isang flag raising ceremony ng SC na tinawag nilang "Red Monday." 

Ito rin ang iginiit ni Sereno na sinabing wala raw sa batas o sa mga desisyon ng Korte Suprema ang nagsasabing SALN ang patunay ng integridad ng isang opisyal. 
    
Kasama sina De Castro at Tijam sa limang mahistrado na hiniling ni Sereno na mag-inhibit dahil sa pagtestigo nito laban sa kaniya sa Kamara.

Kasama rin dito sina Associate Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, at Francis Jardeleza. 

Pero sa en banc session noon ring Martes, ibinasura ng mga hukom ang mga mosyon ni Sereno.

--Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.