Balak na land reform sa Boracay, ikinatuwa ng mga katutubo

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 12:52 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ikinatuwa ng mga katutubong Ati ng Boracay ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa land reform ang isla.

Pero ayon kay Delsa Justo, pinuno ng komunidad ng mga Ati, inaalala nila kung may lugar pang maaaring pagtaniman sa isla.

Bago magtungo sa Tsina noong Lunes, sinabi ni Duterte na balak niyang gawing land reform area ang Boracay at ibigay sa mga magsasaka.

Kuwento ni Justo, dati ay sagana sa mga pananim ang Boracay at kahit saan ay nakapagtatanim sila ng iba't ibang gulay.

Pero ngayo'y nakapagtatanim na lang si Justo sa maliit na espasyo sa kaniyang bakuran sa may komunidad ng mga Ati, na ibinigay sa kanila bilang ancestral domain.

Sa isang panayam ng DZMM, kinompirma naman ni Environment Undersecretary Jonas Leones na may 628 ektaryang agricultural area sa Boracay.

Dagdag ni Justo, ikinalulungkot din nilang mga Ati ang napipintong anim na buwang pagpapasara sa Boracay, na magsisimula sa Abril 26, dahil mawawalan umano sila ng hanapbuhay.

Nagtatrabaho si Justo bilang tagagawa ng banig na ino-order ng mga resort.

Nakatulong na umano ang turismo sa isla sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.

Habang hindi pa isinasara ang Boracay, susulitin muna ni Justo ang mga nalalabing araw para kumayod at kumita sa trabaho.

Ang mga Ati ang itinuturing na unang nakatira sa Boracay bago ito makilala bilang destinasyon ng mga turista pero ngayo'y sa isang komunidad na lang sila inilagay dahil sa pagdami ng mga establisimyento sa isla.

Nagdesisyon ang pamahalaan na pansamantalang isara ang Boracay noong nakaraang linggo upang isaayos at linisin ang isla na napinsala ng polusyon at mga estruktura na lumabag sa mga batas na pangkalikasan.

-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.