Age requirement sa kindergarten, di muna ipatutupad

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 10:35 PM

Iniutos ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang pansamantalang pagpapawalang-bisa sa utos ng Department of Education (DepEd) sa kinakailangang edad para makapag-enrol sa kindergarten. 

Sa ilalim ng DepEd Memo 454 na inilabas noong Disyembre ng nakaraang taon, kailangan ay may edad na limang taong gulang sa pagitan ng Hunyo 1 at katapusan ng Agosto ang isang bata na papasok ng kindergarten sa pampubliko at pribadong eskuwelahan.

Pero binigyan ang mga eskuwelahan ng permiso na tumanggap ng learners na maglilimang taong gulang sa katapusan ng Agosto.

Isa sa mga naapektuhan ng kautusan ang batang si Jin Andre na ipinanganak ng Setyembre.

Ayon sa ina ni Jin Andre na si Kaye Magallanes, noong Marso 23 ay graduation day ng kaniyang anak pero hindi umano ito isinama sa seremonya.

Hindi rin umano kinikilala ang isang taong pagki-kindergarten ng bata at kailangan daw umulit.

Kaya nagpunta sa korte ang education lawyer na si Attorney Noel Estrada para hilingin na pansalamantalang itigil ang pagpapatupad ng kautusan ng DepEd.

Ayon sa abogado, una nang napawalang-bisa ang kautusan noong Abril 3 hanggang Abril 6, ngunit na-extend pa ng 17 araw ang bisa ng temporary restraining order (TRO) .

Matipid naman ang naging reaksiyon ng DepEd dahil nasa korte na anila ang kaso.

Pero iginiit ng ahensiya na susunod sila sa utos ng Pasig RTC.

Pinaplano naman ng mga magulang na muling umapela sa korte para tuluyan nang matanggal ang kautusan ng DepEd.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.