12 establisimyento sa El Nido, nag-self demolish

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 08:55 PM | Updated as of Jan 29 2019 06:51 AM

EL NIDO, Palawan - Ilan sa mga may-ari ng mga establisimyentong binigyan ng notice to vacate dahil sa paglabag sa easement zone regulation sa El Nido ang kusang-loob nang giniba ang kanilang mga istruktura.

Aabot sa 12 mula sa 32 establismyentong biniyan ng notice to vacate ang sinimulan nang gibain ng kani-kaniyang may-ari para sumunod sa regulasyon.

Ika-12 ng Marso nang bigyan ng notice to vacate ang ilang establisimyento sa El Nido matapos makitaan ng paglabag sa easement zone regulation, at ayon sa local government, mayroon nang ilang mga istruktura ang nagsimula nang mag-self demolish.

Mula rin nitong Martes ay abala na ang ilang negosyante sa pagbaklas ng kanilang mga istruktura para sumunod sa itinakdang easement zone.

"Unti-untiin nalang namin magtanggal para walang masabi sila sa amin... Okay lang naman kasi puro light materials gamit namin, pero kawawa 'yung mga sementado ang gusali," ani Ludilyn Adtoon, may-ari ng isang bar at restaurant sa lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman sa lokal na pamahalaan, bagama't unti-unti na ring nagbaklas, humihingi pa rin ang mga may-ari ng mga establisimyento nang mahaba-habang palugit.

Ang ilan kasi, kongkreto ang mga gusali, habang ang iba naman, kailangan pang i-desluge ang mga septic tank.

Paglilinaw ng municipal administrator, bibigyan ng closure order ang mga negosyong hindi pa nagsisimulang gibain ang kanilang mga gusali.

"For those na hindi talaga nagsisimula, ang gagawin ng DENR they will submit a report to the LGU, ita-transfer ang responsibility sa LGU for the closure of the shop," ani Municipal Administrator Jay de la Calzada.

Umaasa naman ang ilang negosyante na pagbibigyan sila sa kahilingang palugit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.