PatrolPH

Bagyo, posibleng magpaulan sa Semana Santa - PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2017 09:44 AM

MANILA - Maaaring makaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa sa mga huling araw ng Semana Santa kung mabubuo ang isang bagyo sa silangan ng Mindanao, inanunsyo ng state weather bureau PAGASA Martes.

Cloud cluster pa lang sa ngayon ang naturang sama ng panahon na namataan sa layong 2,000 kilometro mula sa Mindanao, sabi ni PAGASA meteorologist Benison Estareja sa panayam ng DZMM.

Inaasahan anyang magiging low pressure area (LPA) ito ngayong Martes bago tuluyang maging bagyo sa mga susunod na araw.

"Asahan po natin, possible by Good Friday all the way hanggang Easter Sunday, makakaranas na po ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, maging ang Bicol Region," ani Estareja.

"Posibleng po iyang at times heavy na mga pag-ulan. At the same time, kung maging bagyo man po ito, posible rin tayong makaranas ng mga bugso ng hangin."

Sa ngayon, makakaranas muna ng mainit at maalinsangang panahon ang bansa hanggang sa Huwebes Santo.

Banggit ni Estareja, posibleng umabot sa 36 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila ngayong tanghali bago umiral ang mga pulo-pulong pag-ulan pagsapit ng hapon.

Nitong Lunes, pumalo sa 36.2 degrees Celsius ang temperatura sa Kamaynilaan, alas-4 ng hapon.

Umabot naman sa 48 degrees Celsius ang temperatura sa Tuguegarao at 46 degrees Celsius sa Cabanatuan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.