PatrolPH

Sunog, sumiklab sa Pasay, Valenzuela

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2022 03:17 PM | Updated as of Apr 10 2022 06:27 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Magkahiwalay na sunog ang sumiklab sa Valenzuela at Pasay nitong Sabado. 

Naabo ang 50 bahay sa sunog sa Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City hapon nitong Sabado.

Agad namang namahagi ng pagkain at hygiene kit ang city government habang inaayos na rin ang P15,000 na ibibigay sa bawat pamilyang nasunugan.

Gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay kaya madaling kumalat ang apoy na umabot sa ikalawang alarma.

Hindi agad naapula ang apoy dahil sa kipot ng kalsada, kayat nahirapang makapasok ang mga bumbero, na sinabayan pa ng mahinang pressure ng tubig mula sa Maynilad.

Alas nuebe ng gabi ng ideklarang kontrolado ang sunog.

Samantala, isang commercial establishment din sa Kapitan Ambo Park Avenue, Pasay ang nasunog bandang 8:15, Sabado ng gabi.

Ilan sa mga nasunog ay ang tindahan ng mga ready-to-wear na damit at cellphone accessories stall.

Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang pinagmulan at kung magkano ang pinsala ng sunog na umabot din sa 2nd alarm.

Wala namang naiulat na nasaktan habang idineklarang fire out ang lugar dakong alas-10 ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.