PatrolPH

Mga Pinoy dumidiskarte sa pagtitipid sa kuryente dahil sa power rate hike sa Abril

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2022 03:30 PM | Updated as of Apr 10 2022 07:08 PM

Watch more News on iWantTFC

Kaniya-kaniyang diskarte na ang mga customer ng Meralco para makatipid sa kuryente matapos ianunsyo ng kumpanya na magtataas ito ng singil ngayong Abril.

Ayon sa Meralco, epekto ito ng pagmahal ng kuryente sa spot market, pagtaas ng cost sa mga planta sa paggamit ng langis, at paghina ng piso kontra dolyar.

Nasa P1.05 per kilowatt hour ang initial computation sa dagdag-singil pero mababawasan pa ito matapos hilingin ng Energy Regulatory Commission na iurong na sa tag-ulan ang paniningil ng power producers ng Meralco.

Tiyak kasing marami ang aaray sa taas-singil lalo’t mataas pa ang konsumo sa kuryente ngayong mainit ang panahon.

Tulad ng pamilya ni Josefina Argoso sa Quezon City na hindi maiwasang gumamit ng aircon ngayong tag-init.

Kaya para makatipid, limitado lang sa dalawang oras ang paggamit ng aircon at pinapalitan na lang ito ng electric fan.

Kung kaunti lang ang tao sa bahay, bawas din muna sa paggamit ng TV.

“‘Pag may tao na lalo pag matutulog, bubuksan talaga. Hindi pwedeng hindi bubuksan kasi sobrang init nga naman eh. Lahat ng nakasaksak, hugutin talaga para makatipid sa kuryente," ani Argoso. 

"Tinuturo ko sa mga kasama ko na maintain lang hanggang number 2 ang electric fan kasi kapag number 3, mas mabilis ang ikot ng kuntador. ‘Pag hindi sila maturuan, pagalitan kung kailangan,” dagdag pa niya. 

Bukod sa mga nagtitipid sa bahay, nangangamba rin ang ilang negosyante sa magiging epekto nito sa kanilang hanapbuhay.

Sa laundry shop ni Conrad Bayno, humahanap na sila ng ibang paraan para makatipid.

Patong-patong na kasi ang gastusin sa tubig, kuryente, at LPG.

Nauna na silang nagtaas ng limang piso kada kilo ng pinalalabhang damit mula nang sumipa ang presyo ng LPG na ginagamit nila sa dryer.

“Dagdag sa operational cost talaga. Dati labor ko sampung tao talaga. Ngayong anim na lang. Pati ako nagtutupi na rin para bawas sa operation cost...Hindi ko na alam kung paano patatakbuhin ang shop. Solusyon baka magbawas ng manpower, kawawa naman mga tao ko kasi yun lang an solusyon ko eh,” paliwanag ni Bayno.

Kung may dagdag-singil sa kuryente, rollback naman sa produktong petrolyo ang inaasahan ngayong linggo.

Pero para sa mga tsuper, hindi ito sapat at kailangan pa rin nila ng dagdag-pasahe.

Mahina pa rin kasi ang kanilang biyahe at kakarampot ang fuel subsidy na naiabot sa kanila.

“Nakatanggap ang operator ko. Limang libo. Finull tank niya sasakyan namin para makalibre ng diesel. Dalawang beses lang… ‘Yong dalawang araw, naka-adjust din konti kasi libre diesel. Pagkatapos ng dalawang araw, umpisa na naman ng hirap,” ayon sa tsuper na si Felipe Renzal.

Idagdag pa ang mataas na presyo ng mga bilihin na epekto rin ng pagtaas ng presyo ng langis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.