Natupok ang higit 50 bahay sa sumiklab na sunog sa Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay Valenzuela Fire Director Superintendent Bernard Batnag Jr., umabot sa ikalawang alarma ang sunog.
Gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay kaya madaling kumalat ang apoy.
Dahil sa nagsilabasan din ang mga tao, nahirapan sa pagpasok ang mga nagrespondeng firetrucks lalo’t nasa dulong bahagi ng barangay ang sunog.
Idagdag pa ang mahinang pressure ng tubig mula sa Maynilad.
“Yung pressure din and then dito sa accessibility, accessibility ng ano natin ng roads natin,” ani Superintendent Batnag.
Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, ang mahinang pressure ng Maynilad ang dahilan kung bakit hindi agad naapula ang apoy.
“This could have been avoided hindi ganito kalaki kung ang Maynilad ginampanan nila ang kanilang trabaho, there’s a price to pay for Maynilad, Maynilad will have to help the people reconstruct their homes kasi dapat kanina pa ito natapos, kanina pa nandito yung mga trak,” ayon kay Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, tinawagan niya ang Maynilad pero tila para walang sagot ang nga ito.
Pinabulaanan naman ng Maynilad ang pahayag ni Mayor Gatchalian.
Sa ipinalabas niton pahayag sa ABS-CBN, sinabi na agad naman silang tumugon sa panawagan ng alkalde. Katunayan agad naman daw silang nagdeploy ng limang water tankers para makatulong sa pag-apula ng apoy.
"We heard the mayor's appeal and immediately checked the network pressure at Dulong Tangke. The simultaneous withdrawal of water from the fire hydrants in the area led to the artificial dip in pressure, so we directed the firefighters to adjacent watering points. This promptly addressed the pressure drop. We also deployed five mobile water tankers to assist in putting out the fire," ani Jennifer Rufo, Maynilad corporate communications officer.
Wala namang naitalang casualty sa sunog pero may dalawang sugatan na nadala na sa ospital.
Maayos naman ang kondisyon ng mga ito.
May tatlong evacuation centers nang itinayo ang lokal na pamahalaan para sa mga nasunugan.
May pagkain naman at hygiene pack na ibibigay sa mga nasunugan, habang magbibigay din ng financial assistance ang lokal na pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga bahay.
Labing limang libong piso ang ibibigay sa bawat pamilyang nawalan ng tirahan.
Idineklarang kontrolado ang apoy bandang 9:05 p.m.